Pulis todas sa ambush ng NPA rebels

Isang pulis ang pinagbabaril hanggang sa mapatay ng tatlong hinihinalang miyembro ng New People’s Army (NPA) sa Lupao, Nueva Ecija kamakalawa ng hapon.

Sa ulat na ipinarating ni Police Regional Office (PRO)3 director, Chief Supt. Roberto Calinisan sa Camp Crame, kinilala ang biktima na si SPO1 Jerry Pajarillo, miyembro ng Lupao PNP.

Sa inisyal na imbestigasyon, kasama ng biktima ang pinsan nitong si Leonardo Acosta na nagtungo sa kanilang bukirin upang anihin ang tanim nilang sibuyas dakong ala-1:00 ng hapon.

Makalipas ang ilang sandali, nagpaalam ang biktima kay Acosta upang kumuha ng pataba sa kanilang tahanan at sumakay ito sa dala nilang motorsiklo.

Pagsapit ni Pajarillo sa Sitio Bagong Silang, Bgy. San Isidro, bigla lamang itong pinaulanan ng bala ng tatlong NPA kung saan nagtamo ng tama ng punglo sa iba’t ibang bahagi ng katawan ang biktima na agad nitong ikinasawi.

Nakuha sa pinangyarihan ng krimen ang mga basyo ng bala mula M16 rifles kung saan tinangay din ng mga salarin ang kalibre .45 pistola at handheld radio ng biktima. (Ulat ni Jhay Mejias)

Show comments