^

Probinsiya

Militar vs MILF: 5 rebelde todas, 2 sugatan

-
Limang miyembro ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang iniulat na nasawi samantalang dalawa pa ang malubhang nasugatan makaraang sunud-sunod na sagupain ng mga rebeldeng Muslim ang tatlong bayan sa lalawigan ng Maguindanao habang kasagsagan rin ng mainitang engkuwentro sa Cotabato kamakalawa.

Batay sa ulat na nakarating kahapon sa Camp Aguinaldo, magkakasunod na inatake ng mga rebeldeng MILF ang tatlong himpilan ng 37th Infantry Battalion (IB) sa mga bayan ng Talayan, Datu Piang at Shariff Aguak sa Maguindanao na nag-umpisa dakong alas-12:15 hanggang 3:15 ng hapon na nagresulta kaagad sa pagkasawi ng apat na rebelde na sina Tho Managko, Kamad Kagui Tacil, Mamasalagat at isa pang nakilala lamang sa alyas na Tang, habang sugatan naman ang isang nagngangalang Mokamad.

Bandang alas-6:00 naman ng umaga, hindi pa nakuntento ay tinambangan rin ng grupo ng MILF ang tropa ng 32nd Reconnaissance Special Company ng Phil. Army habang sakay ang mga ito ng pampasaherong jeep sa may kahabaan ng Brgy. Satan, Shariff Aguak para sa isang medical mission.

Bagaman sopresa ang ginawang paghahasik ng karahasan ng mga grupo ng mga rebeldeng Muslim ay agad namang pumosisyon ang tropang militar at nakipagsabayan ng putukan sa umaatakeng mga kalaban.

Isa pang rebeldeng MILF ang nasawi makaraan ang mainitang sagupaan sa pagitan ng mga elemento ng Army’s 25th Infantry Battalion (IB) at ng may 30 rebelde sa Sitio Tarok Bato, Brgy. Basak, Tiboli, South Cotabato.

Gayunman, kasalukuyan pang beneberipika ang pangalan ng nasawing MILF na nakunan ng isang 30 M1 garand rifle.

Ang pangyayari ay kasunod ng isinagawang panghaharass ng grupo ng separatistang mga rebelde sa Camp Diez sa Brgy. Rangayen, Alamada, North Cotabato na nagresulta sa pagkasugat ng isang Civilian Volunteer na si John Basellota.

Dakong alas-7:20 ng umaga ng atakehin ng tinatayang may 70 rebeldeng MILF ang naturang detachment na binabantayan ng mga tauhan ng Cafgu Active Auxiliary (CAA) at CVO ay mabilis na nagdepensa kung saan ay nagkaroon ng dalawampung minutong putukan bago tuluyang umatras ang mga kalaban. (Ulat ni Joy Cantos)

BRGY

CAFGU ACTIVE AUXILIARY

CAMP AGUINALDO

CAMP DIEZ

CIVILIAN VOLUNTEER

DATU PIANG

INFANTRY BATTALION

JOHN BASELLOTA

SHARIFF AGUAK

  • Latest
  • Trending
Latest
Latest
abtest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with