2 babae ginahasa bago pinatay

Dalawang kababaihan na pinaniniwalaang ginahasa muna bago pinaslang ng mga di-kilalang kalalakihan sa magkahiwalay na insidente sa mga lalawigan ng Cavite at Quezon kamakalawa.

Kinilala ang mga biktima na sina Jade Mojica, 20, dalaga, Mass Communication student ng Cavite State University, at residente ng Brgy. Halayhay Tanza, Cavite at Redenta Ingua,26, dalaga, sekretarya ng Nutri World Farm at residente ng Brgy. Malicboy, Pagbilao, Quezon.

Sa ulat ng pulisya, bandang alas-10 ng umaga kamakalawa ng matagpuan ang bangkay ni Mojica sa madamong lugar sa Brgy. Halayhay.

Hinihinala na lumaban ang biktima sa mga di-kilalang kalalakihan nang gahasain ito kaya pinatay na lamang at itinapon sa nabanggit na masukal na lugar.

Ayon kay Ginang Evelyn Mojica, ina ni Jade, huling nakitang buhay ang huli sakay ng isang pampasaherong jeepney na may rutang Indang-Trece Martirez matapos ang kanilang klase sa nasabing pamantasan.

Sa ikalawang insidente, bandang alas-4:30 ng hapon kamakalawa nang matagpuan ang bangkay ni Ingua na walang pang-ibabang saplot at nakitaan ng bahid ng dugo sa kanyang ari.

Ayon kay SPO1 Florentino Manalo, may hawak ng kaso, dakong alas-9:30 ng umaga nang magpaalam sa kanyang mga kasamahan sa trabaho ang biktima upang magdeposito ng pera sa bangko.

May teorya ang awtoridad na habang naglalakad ang dalaga ay hinarang ng di-kilalang mga suspek at kinaladkad sa damuhan at doon pinagsamantalahan at pinatay.

Narekober sa tabi ng bangkay ng biktima ang kanyang sandals, payong, bank book at underwear habang ang dating suot nitong pantalon ay natagpuan sa may 50-metro ang layo mula sa kinatagpuan ng kanyang katawan. (Ulat nina Mading Sarmiento at Tony Sandoval)

Show comments