Ito ay matapos na salakayin ng mga elemento ng Task Force Las Vegas-Alfa ang sinasabing pinagdarausan ng bolahan ng jueteng sa Barangay San Benito, Alaminos, Laguna na nagresulta sa pagkakadakip sa 14 katao kasama ang jueteng maintainer.
Sinabi ni Managuelod na kanyang sinibak sa puwesto si Inspector Wenceslao Anore, alinsunod sa rekomendasyon ni Laguna Provincial Director Senior Superintendent Delfin Genio.
Si Anore ay ni-relieved bilang hepe ng AlaminosPolice Station dahil sa pagkabigo nito na subaybayan at patigilin ang laganap na ilegal na pasugalan sa lugar na kanyang nasasakupan, partikular na dito ang jueteng.
Ang pagsibak ay ginawa ni Managuelod matapos ang isinagawang pagsalakay sa hideout ng jueteng maintainer na nakilalang si Arturo Dionglay, 49, sa Barangay San Benito, Alaminos, Laguna.
Binanggit sa ulat na dakong alas- 11 ng umaga nang salakayin ng mga awtoridad ang sinasabing bolahan ng jueteng sa Dionglay Compound ng nabanggit na lugar.
Nasamsam ng mga awtoridad ang P3,810 cash; mga jueteng lastillas at iba pang jueteng paraphernalias.
Kasabay nito, iniutos ni Managuelod sa lahat ng Provincial Director ng nasabing rehiyon na magsagawa ng malawakang operasyon laban sa ilegal na sugalan partikular na ang jueteng. (Ulat ni Ed Amoroso)