Dalaga pinatay, ibinalot sa dahon ng saging
MANILA, Philippines — Kundi hindi umalingasaw ang baho ay hindi matutuklasan ang bangkay ng isang babae na nakabalot sa dahon ng saging at nasa state of decomposition na nitong Huwebes ng umaga sa Sitio Camaysihay, Barangay Gacao, Palo, Leyte.
Ayon sa Palo Municipal Police Station, kinilala ang biktima sa alyas na “Sandra,” 18-anyos at residente rin sa nasabing barangay.
Kinumpirma rin ng kanyang pamilya ang kanyang pagkakakilanlan sa pamamagitan ng suot nitong tsinelas at tattoo sa paa.
Napag-alaman ding kauuwi lang ng biktima mula sa pagtatrabaho sa Maynila noong Oktubre.
Huling nakasama ng kanyang pamilya ang biktima noong umaga ng Nobyembre 24, nang umalis siya ng bahay at hindi na nakauwi pa.
Ayon sa Palo Municipal Police Station, may nakitang mga sugat sa dibdib ng biktima na hinihinalang dulot ng pananaksak.
Isasailalim sa autopsy ang kanyang labi upang matukoy ang eksaktong sanhi ng pagkamatay nito.
- Latest


















