Parak, utas sa sariling baril
Nasapol ng bala sa noo
MANILA, Philippines — Hindi na umabot nang buhay sa ospital ang isang pulis nang tamaan ng bala sa noo nang aksidenteng pumutok ang sariling baril habang naka-duty sa loob ng isang barangay hall sa Sampaloc, Maynila kahapon ng umaga.
Ang biktima ay may ranggong Patrolman, nasa 35-anyos, nakatalaga sa Sampaloc Police Station 4 (PS-4) ng Manila Police District (MPD) at residente ng Balut, Tondo, Manila.
Sa ulat ng pulisya, alas-6:50 ng umaga nang maganap ang insidente sa loob ng hall ng Barangay 509, na matatagpuan sa E. Quintos St., malapit sa Dapitan St., Sampaloc.
Bago ang insidente ay kasalukuyan ay naka-duty ang biktima kasama ang ilang kabaro at nagsasagawa ng barangay visitation.
Habang tsini-check umano ng biktima ang kanyang baril ay aksidente itong pumutok at minalas na tamaan siya ng bala sa noo.
Kaagad naman siyang isinugod ng kanyang mga kasamahan sa Chinese General Hospital ngunit idineklarang dead-on-arrival.
- Latest
















