Mag-utol pinagbabaril ng tanod, 1 utas
MANILA, Philippines — Patay ang isang lalaki habang nasugatan ang kanyang kapatid nang sila ay pagbabarilin ng isang barangay tanod nitong Miyerkules ng gabi sa Barangay Palong, Malasiqui, Pangasinan.
Ang biktima na idineklarang dead-on-arrival sa ospital dahil sa tama ng bala sa likod na tumagos sa baba ng kili-kili. Habang tinamaan ng bala sa hita at kasalukuyang nagpapagaling sa ospital ang nakababata nitong kapatid.
Batay sa ulat ni Malasiqui Police Chief PLtCol. Francisco Sawadan Jr., nakisali ang suspek na tanod sa inuman ng nakababatang kapatid at ng kanyang pinsan.
Nauwi sa pagtatalo ang usapan ng suspek at ng biktima, kung saan tinangka pang hampasin ng bote sa mukha ang biktima bago umalis ang suspek at magbantang babalikan sila.
Ilang sandali pa, lumabas ang kuya ng biktima upang bumili ng sigarilyo at nakausap ang kanyang kapatid na saktong dumating ang suspek na may dalang baril at pinagbabaril sila.
Tumakas ang suspek matapos ang krimen at kasalukuyang tinutugis ng mga otoridad. Mahaharap ang suspek sa mga kasong murder at frustrated murder.
- Latest




















