Bus inararo 7 sasakyan: 13 sugatan
Nawalan ng preno
MANILA, Philippines — Nagdulot ng karambola sa pitong sasakyan nang mawalan umano ng preno ang isang pampasaherong bus na ikinasugat ng hindi bababa sa 13, kabilang ang tatlong nasa malubhang kalagayan sa España Boulevard, sa Maynila, Biyernes ng gabi.
Ayon sa ulat, ang bus na humaharurot ay hindi nagawang huminto kahit nag-red na ang traffic light dahilan upang araruin nito ang mga nasa unahan na kinabibilangan ng SUV, pampasadang jeep, isang e-jeep, at apat na motorsiklo.
Dakong alas-7:00 ng gabi nang mangyari ang karambola sa España Blvd., panulukan ng Padre Noval St. Mula umano sa kanto ng Blumentritt St. at España ay nakitang humaharurot at pagewang-gewang na ang bus, ayon sa mga saksi at isang driver na nadamay sa banggaan.
Nagtamo ng pinsala ang harapang windshield ng bus, habang wasak na wasak ang likurang bahagi ng isang SUV, pinsala rin ng matindi ang isang motorsiklo habang wasak ang isang gulong ng e-jeep.
Pinakamatindi ang tama ng mag-asawang sakay ng motorsiklo, ilan ang nagtamo ng mga bukol at may mga dumaing ng pananakit ng braso at binti.
- Latest






















