Napoles, guilty muli sa kasong graft at malversation

MANILA, Philippines — Hinatulan ng Sandiganbayan na “guilty” si Janet Napoles para sa 10 bilang ng graft at 10 bilang ng malversation of public funds through falsification of documents.
Kaya’t pinatawan ito ng anti-graft court ng hanggang 15 taon na pagkakakulong sa bawat bilang ng kasong graft, at 17 taon at 4 na buwan hanggang 20 taon sa bawat bilang ng kasong malversation.
Ito ay may kaugnayan sa umano’y maanomalyang paghingi ng P50 milyon ng 10 non-government organizations (NGOs) sa pamamagitan ng 10 local government units (LGUs), mula sa Department of Agrarian Reform (DAR) para sa farm inputs.
Natuklasan ng mga LGU na wala silang record ng naturang proyekto at hindi sila humiling ng pondo para rito.
Bukod kay Napoles, hinatulan ding guilty si dating DAR Undersecretary Jerry Pacturan sa 10 bilang ng malversation at nahatulan ng 19 taong pagkakulong sa bawat count.
Habang guilty rin sa tig-tatlong bilang ng graft at malversation ang isa pang akusado na si Evelyn de Leon at sinintensyahan ng graft ng 10 hanggang 12 taon sa kada bilang ng malversation, at 14 hanggang 19 taon sa kada kaso ng graft.
Ipinag-utos din ng Sandiganbayan kay Napoles at Pacturan na ibalik ang P50 milyon sa National Treasury.
Ito ay dagdag na parusa sa tinaguriang “pork barrel scam queen,” na dati nang nahatulan sa iba’t ibang kaso ng katiwalian.
- Latest















