Palasyo kay Sen. Cayetano: Huwag pa-victim
MANILA, Philippines — Hiniling ng Palasyo ng Malacañang kay Senador Alan Peter Cayetano na huwag umaktong siya ang biktima sa mga nangyayaring kaguluhan ngayon sa Senado.
Sinabi ni Palace Press Officer Atty. Claire Castro na marami ang nabiktima ng kaguluhan sa Senado, una na rito ang taumbayan na naniniwala sa integridad ng Senado na nangyari sa liderato ni Senador Cayetano.
Ang mga biktima aniya ng extrajudicial killings ay umaasa na mapapanagot ang mga dapat managot subalit ipinakita ng Senado sa ilalim ng pamumuno ni Cayetano ay kinanlong pa ang kasamahan at kalaunan ay pinatakas ang kapwa akusado ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa kasong crimes against humanity.
“Ang hiling lang po natin, huwag kumilos ang nasabing opisyal na parang siya ang biktima. Marami pong nabiktima sa kaguluhan ng Senado,” ani Castro.
Ang reaksyon ni Castro ay kaugnay sa pahayag sa Facebook live ni Cayetano na nagbibigay ng advice kay acting Senate President Win Gatchalian na “huwag magpagamit sa Malacañang”, isang araw matapos kilalanin ng Palasyo na lehitimo ang liderato ni Gatchalian.
Giit pa ni Castro na ang lahat ng kaguluhan na nangyayari sa Senado tulad ng putukan noong May 13; ang pag-lock and load order ni General Aplasca at pagpapatakas ay Senador Bato Dela Rosa ay hindi dahil sa pakikialam ng Malacañang kundi dahil sa aprudado ito ni Cayetano.
- Latest















