SEC Director, timbog sa kotong
MANILA, Philippines — Hindi na nakapalag ang isang director ng Securities and Exchange Commission (SEC) nang ito ay arestuhin ng National Bureau of Investigation sa isang entrapment operation dahil sa umano’y pangongotong sa isang pribadong kumpanya kapalit ng hindi pagsasampa ng mga kaso sa Butuan City, noong nakaraang linggo.
Ang suspek na inaresto ng NBI CARAGA Regional Office (NBI-CARAGA) ay nakatalaga bilang director ng Securities and Exchange Commission (SEC)–Butuan Extension Office (SEC-BEO) sa isang coffee shop sa Butuan City sa aktong pagtanggap ng marked money noong Mayo 29, 2026.
Nabatid na nakipag-ugnayan ang NBI sa SEC, kasunod ng idinulog na reklamo ng SALiGAL Law, counsel ng HMW Lending Investors, Inc. (HLI), hinggil sa babaeng kasabwat ng director sa panghihingi ng P650,000 para sa 13 branches sa CARAGA Region, upang iurong na ang pagsasampa ng reklamong paglabag sa Revised Corporation Code and the Lending Company Regulation Act of 2007.
Naibaba sa P250,000 ang usapan kung saan ilalagay umano sa official receipt ng SEC ang P80,000 at ang P170.000 ay para sa suspek.
Bandang alas-9:50 ng umaga ng Mayo 29 ay dumating ang suspek sakay ng silver Toyota Innova at nang hawak na niya ang ibinigay na pera ay nagsilapit ang mga nakaantabay na mga operatiba ng NBI at inaresto.
Ang suspek ay kinasuhan ng Robbery with Intimidation of Persons (Art. 294, RPC), Direct Bribery (Art. 210, RPC), paglabag sa Section 3 ng R.A. 3019 (Anti-Graft and Corrupt Practices Act), at paglabag sa Section 7 kaugnay ng Section 11 ng R.A. 6713 (Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employee).
- Latest






















