Pulis, arestado sa P13.6 milyong shabu

MANILA, Philippines — Isang pulis ang nasakote ng kanyang mga kabaro at nasamsam sa kanya ang nasa P13.6 milyong halaga ng shabu sa isinagawang buy-bust operation sa Zamboanga City nitong Sabado.
Ang nasakoteng pulis ay kinilalang si P/Staff Sergeant Nager Indal Abdulbasir, 45, nakatalaga sa Tipo-Tipo Municipal Police Station na nasasaklaw ng Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Sa ulat ng Zamboanga City Police, nasakote si Abdulbasir matapos itong makumpiskahan ng ilang malalaking plastic sachet na naglalaman ng shabu sa nasabing buy-bust operation.
Hindi na nagawa pang makapalag ng nasabing parak matapos naman itong makorner ng kanyang mga kabaro.
Bago ito ay isinailalim sa masusing surveillance operations ang suspect matapos namang makatanggap ng impormasyon ang mga otoridad hinggil sa illegal nitong aktibidades.
Bukod sa nasamsam na halaga ng shabu ay nakumpiska rin ang isang Glock 17 na baril, magazines, mga bala,PNP ID nito at iba pa. -Joy Cantos, John Unson-
- Latest




















