3 babae patay sa sunog sa Navotas
MANILA, Philippines — Tatlong babaeng miyembro ng isang pamilya ang nasawi habang tatlo ang nasugatan nang hindi makalabas sa nasusunog nilang bahay sa Barangay Tangos South, Navotas City, kahapon ng madaling araw.
Batay sa pagsisiyasat nakita ang mga nasawi na kinabibilangan ng isang buntis na yakap ng isang 14-anyos na dalagita at siyam na taong gulang na batang babae na pawang natrap sa nasusunog nilang bahay sa L. Santos St., Manalaysay, Brgy. Tangos South.
Isinugod sa ospital ang tatlong sugatan na nagtamo ng mga paso sa katawan matapos tangkaing bumalik sa kanilang nasusunog na bahay upang isalba ang kanilang mga gamit.
Nahirapan ang mga bumbero dahil sa masikip na kalsada kaya’t umakyat sa ikalawang alarma ang sunog, alas-3:59 ng madaling araw hanggang sa ideklarang fire under control, alas-5:00 ng umaga.
Iniimbesitigahan na ng mga tauhan ng Bureau of Fire Protection ang ulat na jumper ang pinagmulan ng sunog sa sala-salabat na kawad ng kuryente hanggang tumawid na ang apoy sa mga kabahayan.
Tinatayang nasa 20 pamilya ang naaapektuhan na pansamantalang nanunuluyan sa Brgy. Tangos-South Covered Court.
- Latest




















