Senior High School pinabubuwag ni Padilla
MANILA, Philippines — Bilang tugon sa mga hamong kinakaharap ng mga pamilyang Pilipino sa ilalim ng K to 12 program ay isinusulong ni Sen.Robinhood Padilla ang panukalang batas na naglalayong buwagin na ang senior high school (SHS) sa basic education system.
Sa ilalim ng Senate Bill No. 1297 o ang “Abolishing Senior High School Education Act,” iminungkahi ng senador ang pag-amyenda sa Republic Act No. 10533 o ang Enhanced Basic Education Act of 2013 upang gawing mas simple ang basic education cycle na kapapalooban ng kindergarten, anim na taon ng elementarya at apat na taon ng secondary education.
Ayon kay Padilla, bagamat maganda ang hangarin ng K-12 program na iangat ang kalidad ng edukasyon at gawing globally competitive ang mga estudyanteng Pilipino, nananatili itong malaking hamon sa maraming magulang dahil sa dagdag na gastos.
Bukod dito, sinabi ng senador na pabigat din sa mga magulang ang dagdag pamasahe, baon at school supplies sa kanilang mga anak.
Idinagdag pa ni Padilla na nakababahala ang pagtaas ng mga estudyanteng nagda-dropout na lamang at hindi na nakakapagtapos ng high school dahil sa karagdagang taon ng pag-aaral.
- Latest















