52 barangay sa Albay, apektado ng Mayon ashfall
Higit 30K pamilya nasalanta
MANILA, Philippines — Iniulat kahapon ng Office of Civil Defense na nasa 52 barangay ang apektado ng ashfall bunsod ng patuloy na pagtaas ng aktibidad ng Bulkan Mayon sa Albay na kung saan ay nasa mahigit 30,500 pamilya sa lalawigan ang nasalanta.
Sinabi ni OCD Deputy Spokesperson Diego Mariano, nanatiling hindi tiyak ang sitwasyon sa lugar kung saan ang pinakamatinding naapektuhan ng ashfall ay ang mga bayan ng Guinobatan, Camalig at Ligao City.
Batay sa ulat ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS), magkakasunod na volcanic activity ang nagdulot ng makapal na abo na tumakip sa iba’t ibang bahagi ng Albay.
Nabatid na, alas-4:28 ng hapon, nagkaroon ng lava collapse sa summit ng bulkan na nag-generate ng pyroclastic density currents (PDCs) partikular sa Mi-isi Gully sa southwestern slopes.
Tinatayang umabot sa 4 kilometro ang inilabas na PDCs, na itinuturing na pinakamalaki mula sa huling pagputok ng Mayon.
Ayon kay PHIVOLCS Director Dr. Teresito Bacolcol, nananatili sa Alert Level 3 ang bulkan, indikasyon ng magmatic unrest at posibilidad ng mas mapanganib na pagputok.
Kabilang sa mga Barangay na naapektuhan ng ashfall ay ang Brgys. 1,2,3,4,5,6,7, Cabangan, Gapo, Ilawod, Quirangay, Salugan Sua, bahagi ng Sumlang, Tumpa; pawang sa Camalig; sa bayan ng Guinobatan ay ang Brgys. Agpay, Bubulusan, Calzada, Doña Tomasa, Inamnan Grande, Inamnan Pequeño Iraya, Ilawod, Lomacao, Lower Binogsacan, Maguiron, Malabnig, Maninila, Mapaco, Minto, Muladbucad Grande, San Rafael, Travesia habang sa Ligao City ang Brgys Abella Allang, Bacong, Balanac, Busac, Francia, Malama, Oma-Oma, Palapas at iba pa.
Dahil dito, mahigpit na ipinagbabawal ang pagpasok sa 6km Permanent Danger Zone (PDZ).
Pinapayuhan ang mga residente na manatili sa loob ng bahay kung may ashfall, gumamit ng protective masks, at tiyaking nakatakip ang pagkain at tubig upang maiwasan ang kontaminasyon.
Inihayag naman ni Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, OCD Deputy Administrator for Administration na patuloy ang assessment sa pinsala ng ashfall at nagsasagawa rin ng clearing operations ang mga otoridad sa lugar.
- Latest
















