11 pulis-Pangasinan, sinibak sa jueteng
MANILA, Philippines — Labing-isang opisyal ng Pangasinan Provincial Police Office ang sinibak matapos mabunyag ng National Bureau of Investigation (NBI) ang malawakang operasyon ng ilegal na jueteng sa lalawigan.
Sa inilabas na kautusan ni Philippine National Police (PNP) Chief PGen. Jose Melencio C. Nartatez, Jr., kabilang sa mga inalis sa puwesto ang 1 police colonel, 5 lieutenant colonel, 3 major, at 2 kapitan na inilipat sa Police Holding and Accounting Unit (PHAU) at Directorate for Personnel and Records Management (DPRM) ng Police Regional Office 1.
Nag-ugat ang hakbang matapos magsagawa ang NBI ng serye ng operasyon kontra ilegal na sugal na nagresulta sa mga pag-aresto ng 49 sa San Carlos City; 40 sa Rosales; 34 sa Calasiao; 31 sa Urdaneta City; at 25 sa Manaoag.
Ang mga suspek ay nasa kustodiya ng pulisya at inilipat sa holding facility sa Camp Crame habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.
- Latest


















