3-araw transport strike, umarangkada na
MANILA, Philippines — Nagsimula na kahapon ang tatlong araw na tigil-pasada ng mga public utility vehicle driver at operator upang igiit ang mas malawak na ayuda mula sa pamahalaan sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis.
Ang tigil-pasada ay pinamunuan ng grupong Manibela, at nilahukan din ng United Transport Alliance, PISTON at iba pang transport workers, gaya ng mga tsuper ng mga transport network vehicle services (TNVS), taxis, at motorcycle taxis.
Ayon kay Manibela Chairperson Mar Valbuena, nais nilang ipabatid sa pamahalaan na labis na ang kanilang paghihirap dahil sa nararanasang krisis ng langis.
Giit niya, hindi sapat ang mga pamamaraang ginagawa ng pamahalaan upang maibsan ang paghihirap nila at makaagapay sa mataas na presyo ng mga produktong petrolyo.
Binatikos din nila ang service contracting program at P10 kada litro na fuel subsidy at sinabing mas makabubuti kung ang pondo para sa libreng sakay ay idagdag na lamang sa fuel subsidy upang mas maraming driver na mabenepisyuhan.
Inaasahang magtatagal ang tigil-pasada ng mga transport groups hanggang sa Abril 17, 2026.
- Latest
















