Sekyu binully namaril: 1 todas, 1 sugatan!

MANILA, Philippines — Dahil umano sa nararanasang pambu-bully, umabot sa sukdulan ang galit ng isang security guard matapos na pagbabarilin at mapaslang ang isang 42-anyos na lalaki habang isa pa ang malubhang nasugatan sa naganap na karahasan sa Brgy. Calamba, Cebu City nitong Biyernes ng umaga.
Kinilala ang nasawing biktima na si Vicente Gemuta, idineklarang dead-on-arrival sa Cebu City Medical Center sa tinamong tatlong tama ng bala sa ulo at katawan. Patuloy namang nilalapatan ng lunas sa pagamutan ang sugatang biktima na si Renato Belanizo, 52-anyos.
Arestado naman ang suspect na si Joel Rentuma, 47 taong gulang, security guard sa A Plus Towing Services. Ayon sa pulisya ang suspect ay dating ex-convict na nakulong noong 2011 sa kasong homicide na nakalaya sa piitan noong 2021.
Sa ulat ng Cebu City Police, napuno umano ang suspek sa pambu-bully sa kanya ng dalawa kaya nagwala ang una at pinagbabaril ang mga biktima pero sa himpilan ng pulisya ay sinabi nitong walang komprontasyon bago ang pamamaril.
Ayon sa suspect, nakita umano niyang nagtatawanan ang mga biktima kaya nagdilim ang kaniyang paningin at pinagbabaril ang mga ito.
Nabatid pa na naka-duty ang suspect nang mangyari ang pagwawala nito na bigla na lamang pinagbabaril ang dalawang biktima habang sila ay nagkukuwentuhan.
Narekober naman sa crime scene ang isang cal. 38 revolver at mga basyo ng bala ng nasabing araw. Nahaharap naman sa kasong murder at frustrated murder ang nasabing security guard. -
- Latest















