Caloocan may free rides sa tricycle
MANILA, Philippines — Nakatakdang i-rollout ng pamahalaang lungsod ng Caloocan ang kanilang “Libreng Sakay “ program para sa mga kanilang mamamayan na gumagamit ng tricyle bilang tulong sa mga commuters na nagdurusa sa pagtaas ng presyo ng gasolina simula, sa darating na Abril 6.
Ayon sa pamahalaan ng Caloocan City ang free rides sa mga tricycle ay kanilang ipagkakaloob tuwing rush hours sa pamamagitan ng mga nagsipagpartisipang Tricycle Operators and Drivers Association (TODA).
Sinabi ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan ang bawat miyembro ng TODA na lalahok sa programa ay makakatanggap ng tig-P695 sa loob ng tig- dalawang oras na serbisyo bawat araw bilang tulong na rin sa mga tricycle drivers.
“Nais natin na tulungan ang sektor ng transportasyon at maging ang mga mananakay. Naglaan na po tayo ng pondo upang mabigyan sila ng insentibo na makakatulong sa kanilang hanapbuhay kasabay ng pagbibigay ng libreng serbisyo para sa mga kababayan nating commuter,” ani Malapitan.
Sinabi ni Malapitan na maliban sa Libreng Sakay ay magkakaroon din ng libreng inisyatibo ng transportasyon sa mga organisasyon ng mga jeepney na kanilang iimplementa at ang mga nais magpartisipa ay mangyaring magtanong lamang sa mga Presidente ng TODA o maging sa mga Tricycle at Pedicab Regulatory Services (TPRS).
Samantala, umaasa ang lokal na pamahalaan na sa pamamagitan ng nasabing programa ay maiibsan ang kalbaryo ng mga commuter at maging ng mga tricycle driver na nagdurusa sa mega oil price hike.
- Latest

















