Gunman sa bodyguard ni Isko, naaresto
MANILA, Philippines — Bumagsak na sa kamay ng pulisya ang bumaril at nakapatay sa retiradong pulis-Maynila na bodyguard ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa isang motel sa San Pedro, Laguna kahapon ng madaling araw.
Iniharap ni Mayor Domagoso sa kanyang “Talk to the People” ang naarestong gunman na si Albert Magdaraog kasama ang nobya nito sa Wild Diamond Inn.
Nauna nang sumuko noong nakaraang Martes, Marso 17, ang kanyang kasabwat na si Liegem Bulalacao Young, alyas “Biboy”, na nagsilbing drayber ng motorsiklong ginamit sa krimen, at kasalukuyang nasa kustodiya ng MPD.
Ayon kay Domagoso, nakakatanggap sila ng mga impormasyon tungkol sa pagtatago ni Magdaraog sa iba’t ibang lugar matapos ang pamamaslang kay George Capistrano noong Marso 15 ng madaling-araw sa Balut, Tondo, Maynila.
Nabatid na nagtago sa Arayat, Pampanga; Cabanatuan, Nueva Ecija; Bulacan; Marikina; Maynila at San Pedro, Laguna kung saan ito natunton sa pangunguna ni PCol. Rommel Anicete.
Sinabi naman ni Magdaraog na hindi niya kilala si Capistrano at nakita lamang nila na may suot itong kuwintas nang dumaan kaya nila sinundan. Dalawang tama ng bala ng baril ang tinamo ni Capistrano.
Natakot din siyang sumuko agad nang malaman na pulis ang kanilang nabiktima at itinuro naman nito si Bulalacao o alyas “Biboy” ang lider ng grupo.
Lumilitaw na may mga nakabinbin ding warrant of arrest si Magdaraog sa Baguio City kaya naman makikipag-ugnayan sila kay Mayor Benjamin Magalong.
- Latest















