Bangka lumubog: 3 babae, nalunod
MANILA, Philippines — Tatlong babae ang nasawi nang malunod dahil sa paglubog ng sinasakyan nilang bangka sa karagatan ng Brgy. Pandan, Alaminos City, Pangasinan, ayon sa ulat kahapon.
Dalawa sa tatlong nasawi ay kapwa 50-anyos na mga taga Porac, Pampanga; at isang 45-anyos na taga Brgy. Calulut, San Fernando.
Sa ulat ng Pangasinan Police, nangyari ang insidente noong Linggo ng umaga sa karagatan ng nabanggit na lugar.
Nabatid na ang mga biktima ay pawang mga real state agents ay sumakay ng pampasaherong bangkang MB Venus kasama ang 11 iba pang mga pasahero.
Habang naglalayag sa bahagi ng karagatan ng Brgy. Pandan, Alaminos City ay binalya ng malaking alon dulot ng malakas na hangin ang bangka bunsod upang ito ay lumubog.
Nagawa pang maiahon ng mga rescuer ang tatlong babae na mabilis na isinugod sa pagamutan pero pawang idineklara na ang mga itong dead-on-arrival.
Ang bangka ay pag-aari ng 52-anyos na operator na residente ng Brgy. Pandan, Alaminos City na ngayo’y nahaharap sa kasong reckless imprudence resulting in 3 counts of homicide.
- Latest















