2 pamilya nagsaksakan: 4 patay
P1,500 shabu, pinag-awayan
MANILA, Philippines — Dalawang pamilya ang nagsaksakan sa umano ay onsehan sa droga na ikinasawi ng apat katao at pagkasugat ng dalawang iba pa naganap sa La Paz District, Iloilo City nitong Sabado ng gabi.
Tatlo sa nasawing biktima ay mula sa pamilya Provido na kinilalang sina Joeven, 46; Johnny, 68 at anak nitong si Johnny Jr., nasa hustong gulang.
Habang ang isang nasawi ay mula sa nakaaway nilang pamilya Muya na si Tyrone, 33 na kung saan nasugatan ang tatlong kapatid nito na sina Gilbert Jr. at Glenbert.
Iniimbestigahan pa ng Iloilo City Police, ang napaulat na ang ugat nang saksakan ng pamilyang Provido at Muya ay sa onsehan sa P1,500 halaga ng shabu.
Nabatid na nagtungo ang magkapatid na Provido sa bahay ng mga Muya at hinahanap si alyas “Badoy”, live-in partner ng kapatid na babae ni Muya dahilan hindi pa nito naidedeliber ang nasabing halaga ng shabu na kanilang binayaran na dito.
Dahilan wala si Badoy ay bumalik kinagabihan ang magkapatid na Provido kung saan nakasagutan ng mga ito si Tyrone na nakaupo sa labas ng tarangkahan ng kanilang tahanan.
Wala namang nakasaksi kung sino ang naunang nanaksak pero lumabas sina Gilbert at Glenbert Muya nang marinig ang komosyon sa labas ng kanilang tahanan.
Lumabas na rin ng kanilang bahay si Johnny Sr. nang mabatid na napapalaban ang kaniyang mga anak para umawat pero maging ito ay nasaksak din sa kaniyang katawan.
Ipinag-utos ang masusing imbestigasyon kabilang na ang anggulo ng illegal drug trade sa motibo ng kaso.
- Latest




















