Marine official utas sa salpok
MANILA, Philippines — Isang opisyal ng Philippine Marines ang nasawi makaraang aksidenteng sumalpok sa poste ng kuryente sa tabi ng highway ang sinasakyan nitong motorsiklo sa bayan ng Pasuquin, Ilocos Norte nitong Sabado.
Kinilala ang nasawing biktima na si Major Noel Anthony Muños Mana-ay, 41, nakatalaga sa 4th Marine Brigade na nakabase sa Burgos, Ilocos Norte at taga Imus City, Cavite.
Sa report ng Ilocos Norte Police, kasalukuyang minamaneho ng biktima ang kaniyang kulay puting Kawasaki ER400D motorcycle nang mangyari ang insidente sa nasabing lugar.
Ayon sa imbestigasyon, binabagtas ng motorsiklo ng biktima ang pakurbadang daan sa nasabing lugar nang mawalan ng kontrol sa manibela.
Bunga nito ay sumalpok sa poste ng kuryente ang motorsiklo bunsod upang tumilapon ang biktima na nagtamo ng matinding sugat sa kaniyang katawan na bagaman nagawa pang maisugod sa pagamutan ay idineklara na itong dead-on-arrival.
- Latest





















