P2 provisional fare increase hinirit ng transport group

MANILA, Philippines — Humirit ang transport group na Manibela na humingi ng hanggang P2 provisional fare increase para sa public utility vehicles (PUVs), bunsod na rin nang pagsipa ng presyo ng mga produktong petrolyo na dulot ng lumalalang tensiyon sa Gitnang Silangan.
Ayon kay Manibela Chairperson Mar Valbuena, ito ang kanilang last resort, kung mabibigyan sila ng ayuda at mababawasan o masuspinde ang excise tax at value added tax.
“Ang mangyayari po kasi ngayong susunod na linggo, P15 na naman ang itataas. So siguro panahon na para kasama na kami sa manawagan na magtaas kahit na provisional lang o pansamantala lang na P1 o P2,” wika ni Valbuena.
Ipinaliwanag ni Valbuena na maraming drivers ang nalulugi ng P400 hanggang P500 na arawang kita dahil sa pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Sinabi rin niya na hindi sapat ang P5,000 fuel subsidy na ipagkakaloob ng pamahalaan.
Idinaraing din naman ni Valbuena na maraming drivers ang nahihirapang magkuwalipika sa naturang ayuda na ipagkakaloob sa pamamagitan ng Assistance to Individuals in Crisis Situation (AICS) program ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), dahil na rin sa maraming rekisitos na hinihingi ng local government units (LGUs).
- Latest















