Condo shooting: 2 patay, 4 sugatan
MANILA, Philippines — Dalawa ang nasawi habang nasugatan ang apat na naglalaro ng basketball sa loob ng isang high-end resort condominium complex, nang sila ay pagbabarilin ng isang residente rin sa Barangay Don Marcelo Green, Parañaque City, Miyerkules ng gabi.
Kinilala ang mga biktimang nasawi na sina alyas “Edwin”, 57-anyos, na dead-on-arrival; “Rjay”, 29, na binawian ng buhay alas-11:12 ng gabi sa Ospital ng Parañaque.
Sugatan naman sina alyas “Regie”, 30; “John”, 42; at “Mark”, 26; at “Carlos”, nasa hustong gulang, pawang nasa stable condition na sa Ospital ng Parañaque at Parañaque Doctor’s Hospital.
Patuloy ang pagtugis sa suspek na si alyas “William”, 59-anyos, isa sa unit owner ng nasabing condo resort. Naberipika rin na ang suspek ay may dalawang baril na nakarehistro sa kanyang pangalan.
Batay sa ulat ni ParañaqueCity Police Station chief, P/Colonel Nicolas Piñon, alas-7:59 ng gabi nang matanggap nila ang tawag hinggil sa naganap na pamamaril sa isang residence resort sa West Service Road ng Brgy. Don Marcelo na agad namang niresponde ng otoridad.
Sa imbestigasyon, habang naglalaro ng basketball ang mga biktima ay nakarinig ng malakas na tunog kasunod nang pagpasok ng suspek at walang habas na sila ay pagbabarilin.
Matapos ang pamamaril ay kaswal na naglakad lamang patakas na inilarawang nakasuot ng light blue na T-shirt, may hawak na payong na puti, may sukbit na backpack, nakasuot ng short pants, at tsinelas.
Bago umano ang krimen ang suspek ay galit na kinakatok ang unit ng biktimang si Edwin, bukod pa sa ilang reklamo sa security department ng ilang kapwa unit owner na nambubulabog ito sa paghahanap ng isang babae, na hinihinalang karelasyon nito.
- Latest
















