2 grade 3 pupil nalunod, todas
MANILA, Philippines — Dalawang elementary pupil ang nalunod matapos na sila ay tinangay ng malakas na agos sa kanal ng isang irigasyon sa bayan ng Ubay, Bohol noong Martes.
Ang dalawang nasawi ay nagkakaedad ng 9 at 10 anyos; pawang Grade 3 students sa Governor Boyles Elementary School sa bayang ito.
Sa ulat ng Bohol Police, dakong alas -10:00 ng umaga nang madiskubre ang bangkay ng dalawang bata.
Base sa imbestigasyon maagang pinauwi ang mga estudyante matapos na mag-sick leave ang kanilang guro bunsod upang makansela ang kanilang klase.
Gayunman sa halip na umuwi na sa kanilang tahanan ay nagkatuwaan ang mga batang estudyante na maligo sa kanal ng National Irrigation Administration (NIA) sa Brgy. Boyles ng bayang ito.
Ang dalawang bata ay tinangay ng malakas na agos nang mapagawi sa malalim na bahagi ng naturang kanal ng irigasyon bunsod upang kapwa ang mga ito malunod. Narekober ang bangkay ng mga biktima may 300 metro ang layo kung saan ang mga ito naligo.
- Latest


















