‘Salamin’ (Part 7)
HABANG namamasyal kami sa beach resort na pag-aari nina Cristy ay ikinuwento niya ang love story nina Lola Elisa at Lolo Fernan.
“Si Lola ay nag-iisang anak. Mayaman sila rito sa Balayan. Sila ang may pinakamalawak na tubuhan dito. Marami silang mga manggagawa sa tubuhan. Marami ring inuupahan para magtanim at mag-alaga ng tubo. Kapag panahon ng pagtatabas ng tubo ay marami ring inuupahan—sila yung mga sakada.”
“Saan dinadala ang mga na-harvest na tubo?”
“Sa pisaan. Hinahakot doon ng mga truck.”
“Paano nagkakilala sina Lola Elisa at Lolo Fernan.”
“Namasyal daw mag-isa si Lola Elisa sa tubuhan. Palibhasa’y anak mayaman, gusto niyang malaman kung paano hina-harvest ang tubo. Pinanood daw ni Lola ang pagtabas ng tubo. Napakaliksi raw pala ng mga sakada.
May mga matatalas na gulok at sa isang tabas ay putol agad ang katawan ng tubo.
“Hanggang sa makita raw ni Lola Elisa ang manggagawang si Fernan. Nagkangitian daw sila. Sa ngitiang iyon ay nagkaunawaan daw agad ang kanilang damdamin.
Ang kasunod niyon ay ang lihim nilang pagkikita. Madalas daw ay sa ilog na malapit sa pinagtatrabahuhan ni Lolo Fernan sila nagkikita.
Nagkaunawaan sila.
Pero may takot si Fernan. Kapag nalaman daw na may relasyon sila ay tiyak na tatanggalin siya sa trabaho.
“Huwag kang matakot. Ako ang bahala,” sabi ni Lola. (Itutuloy)
- Latest















