US at Israel nagsanib, Iran binomba!
MANILA, Philippines — Naglunsad ng serye ng pag-atake ang Estados Unidos at Israel laban sa Tehran na capital ng Iran.
Base sa ulat, ang pag-atake ay ginawa matapos na magpahayag ng pagkadismaya si US President Donald Trump sa paninindigan ng Iran sa mga negosasyon tungkol sa kanilang mga programang nuclear at missile.
Sinabi ni Trump na ang layunin ng Washington ay ang pag-aalis ng mga agarang banta mula sa Iran, habang inilarawan ng Defense Minister ng Israel na si Israel Katz ang hakbang bilang isang “preventive strike” para maiwasan ang mas malaking panganib.
“The United States military began major combat operations in Iran,” pahayag ni Trump sa isang video message na naka-post sa social media.
Nanindigan pa si Trump na wawasakin ang missile at dudurugin ang industriyang Iran hanggang sa tuluyang maglaho at lilipulin din ang kanilang hukbong dagat.
Samantala, iniulat naman ng Iranian state television na ang kanilang presidente na si Pezeshkian ay ligtas at nasa mabuting kalagayan matapos ang pag-atake ng US at Israel.
Pinayuhan naman ng Philippine Embassy sa Tel Aviv ang mga Pinoy roon na manatili sa loob ng kanilang mga tirahan at maghanda sa kanilang pagtataguan.
Tinatayang nasa 30,000 manggagawang Pinoy na karamihan ay caregivers ang nasa Israel at mahigit 1,000 sa Iran.
Inabisuhan din ng Embahada ang mga Filipino sa Israel na bawal ang public gatherings at lahat ng tanggapan at institusyon ay sarado maliban sa mga essential services. .
- Latest
















