Pag-absent ni Bato, sinupalpal ng ethics complaint

MANILA, Philippines — Naghain ng ethics complaint ang isang civil society group laban kay Senador Ronald “Bato” dela Rosa sa Senate Committee on Ethics and Privileges nitong Miyerkules, Pebrero 25, 2026 dahil umano sa kaniyang mahabang pag-absent.
Ayon sa grupong ‘Wag Kang KuCorrupt’, ang patuloy na hindi pagpasok ng isang nakaupong senador at hindi pagtupad sa kaniyang mga tungkulin ay malinaw na paglabag sa tiwalang ipinagkaloob sa kaniya ng taumbayan.
Ayon pa sa grupo, bilang isang halal na opisyal ng gobyerno na tumatanggap ng pondo mula sa buwis ng mamamayan,ang isang Senador ay may konstitusyonal at moral na obligasyon na dumalo sa mga sesyon,lumahok sa mga deliberasyon ng lehislatura, at gampanan ang mga oversight responsibilities nito.
Ipinunto rin ng grupo na bilang Chairman ng ilang komite ng Senado, ang pagliban ni Dela Rosa ay magdudulot ng pagkaantala sa mga nakatakdang pagdinig, mga nakabinbing legislative measures, at hindi pagtupad sa oversight functions ng mga komite.
Maaalala na hindi na nagpapakita sa publiko si Dela Rosa at hindi na dumadalo sa anumang sesyon sa Senado simula noong Nobyembre 11, 2025 matapos ihayag ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla na naglabas ng warrant of arrest ang International Criminal Court (ICC) laban sa kanya dahil sa madugong digmaan laban sa droga.
- Latest

















