Coed na graduating, ginilitan sa boarding house

Bangkay naaagnas na
MANILA, Philippines — Natagpuang naaagnas na ang isang babaeng graduating college student sa loob ng isa sa mga kuwarto ng tinutuluyan niyang boarding house sa Barangay 7, Cagayan de Oro City, kamakailan, ayon sa pulisya.
Ang bangkay ng biktimang si Bhea Yna Balus, 23-anyos ay nadiskubeng ginilitan pa sa leeg na nakahandusay at nagsisimula nang maagnas sa Room 12 ng boarding house na tinutuluyan nito.
Si Balus ay 4th Year BS Management Accounting student sa Liceo de Cagayan University na nadiskubre ang bangkay matapos na umalingasaw ang masangsang nitong amoy noong Pebrero 19.
Sinabi ni Cagayan de Oro City Police Office Director P/Col. Dexter Paje, dalawang persons of interes na ang kanilang tinutugis na pinaghihinalaang nasa likod ng krimen na umano’y mga kilalang drug addict sa lugar.
Isa sa mga suspect na iniimbestigahan ang pagkakasangkot ay boardmate ng biktima na may record ng illegal na droga.
Isa pang person of interest ay isa umanong job order utility worker sa Cagayan de Oro City Disaster Risk Reduction and Management Department.
Ang nasabing suspect ay huling nagreport sa trabaho noong Pebrero 17 at hindi na ito matagpuan pa.
Ayon pa sa salaysay ng ibang boarders, may nadinig sila malakas na kalabog noong alas-6:30 ng umaga ng Feb. 17 mula sa Room No. 1 pero hindi nila pinansin. Huling may nakakitang buhay sa biktima sa naturang araw din iyon, ganap na alas-6:00 ng gabi.
- Latest
















