Maraming Katoliko tamad nang magsimba - Fr. Reyes
MANILA, Philippines — Tila tinamad na at kakaunti na lamang ang mga Katolikong nagtutungo sa mga simbahan upang dumalo ng banal na misa.
Ito ang kinumpirma ni running priest Fr. Robert Reyes,convenor ng Clergy for Good Governance, kasunod ng panawagan ng maimpluwensiyang Catholic Bishops’ Conference of the Philippines (CBCP) sa mga Katoliko na mag-fasting sa digital media ngayong panahon ng Kuwaresma.
Ayon kay Reyes, sa ngayon ay maraming Katoliko na ang hindi dumadalo ng pisikal sa mga banal na misa dahil mas kumbinyente na silang dumalo ng online mass sa kanilang mga tahanan.
Nagsimula aniya ito noong panahon ng pandemic ng COVID-19 kung kailan ipinagbawal muna ang pagpasok sa mga simbahan at sa halip ay ipinag-utos ang pagdaraos ng online masses upang makaiwas sa hawahan ng sakit.
Sinabi pa ni Reyes na ang matinding pagdepende sa digital media ay nagresulta na sa mental health crisis, partikular na sa mga kabataan, at idinagdag pa na maraming kabataan na ang naging suicidal.
Ito aniya ang dahilan kung bakit maraming bansa na ang nagkukonsidera na magpatupad ng social media ban sa mga kabataang nagkaka-edad ng 16-taong gulang pababa.
Naniniwala rin si Reyes na kailangang muling ipakilala ang paglalaro sa mga kabataan at turuan silang mag-enjoy sa isports upang maiiwas sila sa labis na pagkalulong sa social media.
- Latest















