Bulkang Mayon itinaas sa Alert Level 3
MANILA, Philippines — Dahil sa patuloy na aktibidad ay itinaas ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa Alert Level 3 ang Bulkang Mayon nitong Martes.
Ang Alert Level 3 na may magmatic eruption sa summit lava dome, ay tumataas ang posibilidad ng lava flows at mapanganib na pyroclastic density currents (PDCs) o “uson” na maaaring makaapekto sa itaas at gitnang slope ng bulkan. Posible rin umanong magkaroon ng pagsabog sa loob ng ilang araw o linggo.
Sa pagpasok ng Enero, nagtala ang bulkan ng kabuuang 346 rockfall events at 4 volcanic earthquakes, mas mataas sa 599 rockfall events sa buong buwan ng Nobyembre hanggang Disyembre 2025.
Ang aktibidad ay may tagal na isa hanggang 5 minuto at nag-transport ng lava debris sa loob ng kilometer range ng southern upper slopes ng bulkan.
Nagtala rin ang bulkan ng Pyroclastic density currents (PDCs) sa Bonga (southeast) Gully alas-12:26 ng tanghali nitong Enero 6 mula sa pag-collapse ng bagong extruded lava. Ang PDCs ay nagtagal ng halos tatlong minuto base sa seismic record sa may dalawang kilometro ng summit crater.
Pinagbabawalan ang publiko na huwag papasok sa loob ng anim na kilometrong (6 km) radius Permanent Danger Zone at pagpasok nang walang pag-iingat sa Extended Danger Zone (EDZ) at bawal din ang paglipad ng anumang aircraft sa ibabaw ng bulkan dulot nang biglaang pagputok ng steam o phreatic explosions, rockfall mula sa tuktok ng bulkan at pag-agos ng lahar kung may matinding pag-ulan doon.
Hinimok din ng Phivolcs ang mga local government Units (LGUs) na nasa paligid ng Bulkang Mayon na maghanda at magsagawa ng kaukulang hakbang dahil sa bantang malakas na pagsabog.
- Latest





















