Bahay sinalpok ng trak: 2 patay, 4 kritikal
MANILA, Philippines — ‘Nasawi noon din ang dalawang katao habang apat ang kritikal nang salpukin ng isang trak na nawalan ng preno ang kanilang bahay sa kahabaan ng Brgy. Mayatba, Siniloan Laguna.
Kinilala ang dalawang nasawi na sina alyas “Karen”, nasa hustong gulang; at alyas “Rain”,16-anyos, estudyante. Habang nasa kritikal na kalagayan sina alyas Nina, 19-anyos; alyas Migs, 23-anyos; alyas Nel, 23-anyos; at alyas Aira, 26-anyos na pawang magkakamag-anak.
Sa ulat ng pulisya, bago naganap ang aksidente, alas-5:00 ng hapon ay binabaybay ng isang dump trak na may kargang graba ang kahabaan ng Mayatba, Siniloan KM 4 na minamaneho ni alyas “Kuyang”, nasa hustong gulang nang bigla umanong hindi gumana ang preno nito.
Dahil umano may kabilisan ang takbo ay dire-diretsong sinalpok ang isang bahay sa may tabi ng kalsada kung saan nagpapahinga ang mga biktima na kung saan ang dalawa ay naipit ng nasabing trak at nasawi.
Sa galit ng mga residente ay ginulpi nila ang driver at pahinante at nang bumulagta ay dinala sa ospital para malapatan ng lunas. Kinasuhan ang driver ng reckless imprudence resulting to double homicide and multiple damage to properties.
- Latest















