Babae dedo sa tuklaw ng King Cobra

MANILA, Philippines — Isang 34-anyos na babae ang nasawi nang matuklaw ng King Cobra sa isang liblib na lugar sa Kulaman Valley, Arakan, North Cotabato.
Kinilala ang biktima na si Jenisa Mandi, residente ng Brgy. Gutalid, Kitaotao sa lalawigan ng Bukidnon.
Sa ulat na nakarating kahapon sa Office of Civil Defense (OCD) North Cotabato, nagtungo sa lugar ang biktima kasama ang pinsan nitong si Andres Lavidan at ilan pang mga kaibigan upang maligo sa ilog bilang bahagi ng kanilang selebrasyon nitong Bagong Taon sa pagsisimula ng 2026.
Sa pahayag ni Lavidan sa mga otoridad kasalukuyan na silang naglalakad sa masukal na bahagi ng nasabing lugar patungo sa ilog nang biglang sumulpot sa daan ang King Cobra at bigla nitong tinuklaw ang biktima.
Ang King Cobra ay tinatawag ng mga residente dito bilang banakon o isang uri ng makamandag na ahas na nakamamatay.
Nagawa namang mapatay ng grupo ang nasabing King Cobra at mabilis na isinugod ang biktima sa Bukidnon Provincial Hospital sa Maramag pero hindi na ito umabot ng buhay.
- Latest















