Babae dinedo ng dating nobyo

Pakiusap na makipagbalikan, dinedma
MANILA, Philippines — Hindi na umabot ng buhay sa ospital ang isang babae nang ataduhin ng saksak sa iba’t ibang bahagi ng katawan ng kanyang dating nobyo, naganap nitong Linggo ng madaling araw sa Makati City.
Kinilala ang nasawi na si alyas “Daniella” habang ang suspek na naaresto sa isang follow-up operation ay nakilalang si “Franz”, 24-anyos.
Batay sa ulat ng Makati City Police Station, bago naganap ang krimen, alas-4:40 ng madaling araw sa labas ng isang fast food restaurant sa Adelina St., Barangay Singkamas, Makati City ay nakita ng ilang indibidwal na nagtatalo ang dalawa.
Nasaksihan ng ilang indibidwal ang mainitang pagtatalo ng dalawa hanggang sa maglabas ng patalim ang lalaki at inundayan ng maraming saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang dating nobya, bago tumakas sakay ng kulay puti na motorsiklo.
Isang saksi na nakakilala sa suspek ang nagprisinta na ituturo ang bahay ng suspek at sa follow-up operation ay nadakip si Franz, alas-8:50 ng umaga habang nagmamaneho ng motorsiklo sa Rizal Avenue, Brgy. San Antonio, Angono, Rizal.
Hinala ng pulisya na gusto umanong makipagbalikan ng lalaki, subalit umayaw na umano ang baba dahil sa mayroon na siyang bagong pag-ibig.
- Latest
















