Lisensya ng vlogger na pasaway sa batas-trapiko, sinuspinde
MANILA, Philippines — Siyamnapung araw na sinuspinde ng Land Transportation Office (LTO) ang drivers license ng isang vlogger na nagpakilalang kaanak ni Pangulong Marcos matapos na mag-viral ang video nito sa social media na nagpapakita ng ilang paglabag sa batas-trapiko.
Kinilala ang vlogger na si Francis Leo Marcos o Norman Mangusin sa tunay na buhay na siyang nagmamaneho at rehistradong may-ari ng Ford Expedition gamit ang pekeng plaka, hindi nakasuot ang seatbelt at gumagamit ng mobile phone habang nagmamaneho.
Ayon sa LTO ang ginawang mga paglabag nito sa batas trapiko ay itinuturing na distracted driving at naglalagay sa panganib sa ibang motorista.
Kaugnay nito, inatasan ng LTO - Intelligence and Investigation Division (IID) sa East Avenue, Quezon City ang vlogger na magsumite ng verified comment/explanation upang ipaliwanag kung bakit hindi siya dapat patawan ng mga kasong paglabag sa Failure to Attach Authorized Motor Vehicle License Plate, Mandatory Use of Seatbelt, Distracted Driving, Reckless Driving at Improper Person to Operate a Motor Vehicle.
Sa ilang past post video ni Mangusin, may pagkakataon na magpakilala umano ito na kaanak ni Pangulong Marcos habang namimigay ng ayuda sa mga tao.
- Latest
















