7 miyembro ng MILF patay sa encounter
MANILA, Philippines — Pito katao kabilang ang isang Commander ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang nasawi sa sagupaan ng magkalabang angkan sa Matalam na umabot pa sa Kidapawan City, Cotabato nitong Lunes.
Kinilala ang nasawi na si MILF Commander Salidato na ang pamilya ay sangkot sa rido sa isa pang grupo ng MILF Commander kaugnay ng pinag-aagawang lupain.
Sa ulat ni Brig. Gen. Ricky Bunayog, Commander ng Army’s 602nd Infantry Brigade, nag-umpisa ang bakbakan alas-5:00 ng umaga sa Brgy. Estado Matalam at ang bakbakan ay umabot sa karatig na Barangay Malinan, Kidapawan City.
Sa inisyal na imbestigasyon ng Cotabato Provincial Police Office (CPPO)sinalakay ng angkan ng mga Langalen ang Brgy. Estado kung saan nakatira ang pamilya ng nasawing MILF Commander.
Agad na sumiklab ang umaatikabong bakbakan sa pagitan ng magkabilang panig na ikinasawi ng nasabing MILF Commander at anim na iba pa.
Nabatid na ang sagupaan ay tumagal ng dalawang oras hanggang sa mapilitan ang mga umatakeng MILF na umatras sa bakbakan upang hindi abutan ng paparating na pinagsanib na elemento ng militar at pulisya.
Nabatid pa na nasa 10 taon na ang rido sa pagitan ng magkabilang puwersa ng MILF sa alitan sa lupain.
- Latest
















