Pananakot sa media, binanatan ng Kamara
MANILA, Philippines — Kinondena ni Bicol Saro Partylist Rep.Terry Ridon ang pananakot sa media kasunod nang pagkalat umano ng banta ni Julie “Dondon” Patidongan laban sa isang TV reporter na nagkokober ng kaso ng missing sabungeros.
Batay sa lumabas na recording ng pag-uusap nina Patidongan at TV 5 reporter ay maririnig ang una na nagbabantang “ingatan ang buhay ng TV 5 reporter na si Gary De Leon matapos na akusahan ng umano’y pagiging “bias at bayaran”.
Ang recording ay kuha sa dapat sana ay isang maayos na panayam na nauwi sa mainitang palitan ng salita at pagbabanta.
Ayon kay Ridon na ang anumang banta laban sa isang mamamahayag ay banta laban sa katotohanan, kaya’t hindi maaaring palampasin ng kongreso ang ganitong uri ng pananakot.
Nauna nang kinondena ng National Union of Journalist of the Philippines (NUJP) ang insidente at agad na iniulat sa Presidential Task Force On Media Security (PTFOMS na nangakong magsasagawa ng imbestigasyon.
Idinagdag pa ni Ridon na ang trabaho ng media ay magsiwalat ng katotohanan lalo na sa mga kasong kumplikado at sensitibo at hindi dapat sila tinatakot at tila na normal lang kay Patidongan na magbitiw ng ganitong pananakot dahil wala man lang itong takot kahit sa miyembro na tinatawag na Fourth State.
Ilang kasama sa media na nakakakilala kay De Leon ang nagpahayag ng pangamba sa kaligtasan nito.
Hindi pa nagbibigay ng kanyang panig si Patidongan tungkol sa naturang recording ng umano’y pagbabanta nito.
- Latest




















