Hindi ako nag-resign! – Lucas Bersamin

MANILA, Philippines — Pinabulaanan kahapon ni dating Executive Secretary Lucas Bersamin na siya ay nagbitiw sa kanyang posisyon na taliwas sa ipinahayag ng Presidential Communications Office (PCO) na siya ay umayaw na sa Gabinete.
‘’Hindi ko alam paano nagsimula ‘yan na nag-resign ako. Inannounce siguro ‘yan pero wala akong resignation na finile. Kasi, sinabi na, lumabas nabasa ko na lang I resigned out of delicadeza. Masarap pakinggan ‘yung out of delicadeza pero hindi naman totoo ‘yan. Hindi ako nag-resign’’, pahayag ni Bersamin sa Palace reporters.
Sinabi ni Bersamin na ang tanging dokumentong kanyang pinirmahan ay ang liham na nag-a-acknowledge na napalitan na sya at ginawa nya ito noong hapon ng November 18, isang araw matapos ianunsyo ng Palasyo na nagbitiw siya sa pwesto.
Gayunman, tinanggap nya ang pagpapalit dahil ang kanyang posisyon bilang Executive Secretary ay “at the pleasure of the President.”
Binigyang-diin pa ni Bersamin na nais niyang maging malinaw na hindi siya kusang nagbitiw, lalo na’t ayaw nyang isipin ng publiko na guilty siya sa mga ibinabatong akusasyon sa umano’y P52-billion insertion at itinanggi ang paratang na may kinalaman siya sa budget insertions dahil hindi na trabaho ng kanyang tanggapan ang makialam sa budget.
- Latest















