Zambales River Restoration Program, suportado ng mga mangingisda

MANILA, Philippines — Suportado ng mga mangingisda at iba pang stakeholders sa lalawigan ng Zambales ang River Restoration Program (RRP) na isang inisyatibo ng pamahalaang panlalawigan na layuning linisin at palawakin ang mga pangunahing daluyan ng ilog upang maiwasan ang malawakang pagbaha.
Ito ay matapos ang mga alegasyon mula sa ilang environmental groups na umano’y nakasasama ang dredging operations sa mga yamang-dagat at kabuhayan ng mga mangingisda.
Ayon kay Engr. Domingo Mariano, consultant ng pamahalaang panlalawigan sa engineering at infrastructure development na ang programa ay produkto ng masusing pag-aaral at bahagi ng flood mitigation efforts ni Governor Hermogenes Ebdane Jr.
“Ang paglilinis at pagpapa¬lalim ng mga pangunahing ilog gaya ng Sto. Tomas at Bucao River ay nakatutulong para ma-accommodate ang tubig-ulan mula kabundukan, imbes na bumaha sa mga komunidad,” paliwanag ni Mariano.
Kabilang sa mga ilog na sakop ng programa ay ang Sto. Tomas River sa San Narciso; Maloma River sa San Felipe, Tangway River sa Cabangan; at Bucao River sa Botolan.
Ayon naman kay Bernabe Almandres ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR-Zambales), muling naging aktibong pangisdaan ang dating nonfunctional fishing grounds sa San Narciso at San Felipe matapos simulan ang river restoration kaya’t mas marami na ulit na huli ng hipon, sapsap, at espada.
Ipinahayag din ni Paulo Quiteneg, presidente ng Zambales Provincial Fisherfolks Association, na may 28,000 na miyembro ng mangigisda sa buong lalawigan ang pasasalamat kay Governor Ebdane sa mga proyektong nakatulong sa kanilang kabuhayan.
Ang River Restoration Program ay isinasagawa sa pakikipagtulungan ng DENR, DPWH, DOTr, at mga lokal na pamahalaan, bilang bahagi ng patuloy na pagsisikap ng lalawigan tungo sa mas ligtas, produktibong komunidad, at maunlad na kabuhayan para sa mga Zambaleño.
- Latest















