Undas 2025, mapayapa – PNP

MANILA, Philippines — Naging mapayapa at maayos ang paggunita sa Undas 2025 sa gitna na rin ng kautusan ni PNP acting chief Lt. Gen. Melencio Nartatez Jr., sa mga commanders na tiyaking nababantayang mabuti ang pagpapatupad ng seguridad.
Sinabi ni Nartatez na ito’y alinsunod sa direktiba ni Pangulong Ferdinand “Bongbong “ Marcos Jr., na tiyakin ang ligtas at maayos na paggunita sa Araw ng mga Patay at Araw ng mga Kaluluwa na tradisyunal na inoobserbahan sa Pilipinas tuwing Nobyembre 1 at 2 kada taon.
Agad namang pinakilos ni Nartatez ang kapulisan sa buong bansa na ipatupad ang mahigpit na seguridad lalo na at milyon-milyong Pilipino ang nagsimula nang bumisita sa mga sementeryo, memorial parks, columbaries at iba pang matataong lugar.
Sa natanggap na impormasyon ng hanggang alas-6 ng umaga ng Nobyembre 1, sinabi ni Lt. Gen. Nartatez na wala silang naitatalang anumang insidente o banta sa lahat ng matataong lugar gaya ng transportation hubs hanggang sa mga sementeryo.
Higit 50,000 pulis ang naka-deploy noon pa lamang Oktubre 30 kasabay ng pagsisimula ng pagbiyahe ng exodus ng milyong Filipino na uuwi para sa paggunita ng “Undas” kasama ang kanilang kaanak.
Nasa kabuuang 20,829 pulis ang naka-deploy sa 4,901 sementeryo, memorial parks at columbaries katuwang nila ang barangay security offices, mga sundalo, Coast Guard personnel at iba pang tauhan ng pamahalaan at volunteer groups na may kabuuang 66,925 manpower.
- Latest
















