Road accident: 4 patay, 8 sugatan

11 sasakyan, 3 bahay inararo ng trak
MANILA, Philippines — Apat katao ang nasawi habang walo ang nasugatan makaraang araruhin ng trak na nawalan ng preno ang 11 sasakyan at tatlong bahay sa Purok Maulawin, Barangay Isabang, Lucena City, Quezon, kamakalawa ng gabi.
Kinilala ang mga nasawi na sina Sherwin, 41, ng Purok Silangan Barangay Ibabang Dupay; at Roldan, 37, ng Barangay Mayao Silangan, kapwa pareho sa tricycle; driver ng trak na si William, 34, ng Daraga Albay; at isang 37-anyos na lalaki na pawang nagtamo ng mga grabeng pinsala sa ulo at mga katawan.
Ginagamot naman sa iba’t ibang ospital sa lungsod ang mga sugatang sina Jerimy, 18, ng Purok Trade, Barangay Ibabang Dupay; Rose, 21; Almico, 21; Almica, 19; Almiro, 7; Maria, 70; Michelle, 47; at Almira, 20, pawang mga residente ng Purok Maulawin, Barangay Isabang, Lucena City.
Batay sa imbestigasyon ng pulisya, bandang alas-11:20 ng gabi ay mabilis na tinatahak ng Bicol bound na trak ni William ang kahabaan ng Maharlika highway.
Pagkalampas sa Bagong Lucena Welcome circle ay nawalan ito ng preno at tuluyang inararo ang gutter at nasa 11 sasakyang nasa gilid ng highway at sa tatlong nabangga na SUV ay nasunog maging ang tricycle na kinalululanan ng mga nasawing biktima ay nagmistulang nayuping mga lata.
Pagkaararo sa 11 sasakyan ay dumiretso ang trak sa tatlong kabahayan na kung saan ay nagpapahinga ang mga nasugatan.
Iniulat naman ng pulisya na tuloy ang kaso sa may-ari ng trak kahit pa namatay na ang driver nito. — Joy Cantos
- Latest















