OVP budget sa 2026 aprubado na
MANILA, Philippines — Aprubado na ng Senate Finance Committee ang panukalang 2026 budget ng Office of the Vice President (OVP) matapos ang pagdinig nitong Lunes.
Hindi umabot ng isang oras ang deliberasyon para sa P902.895 milyong pondo matapos iendorso ni Senador Migz Zubiri ang mosyon na aprubahan ito sa bisa ng parliamentary courtesy para sa OVP.
Mismong si Vice President Sara Duterte ang nagpresenta ng panukalang budget. Nakalaan dito ang P212.5 milyon para sa personnel services o pasahod sa mga empleyado, P673.7 milyon para sa maintenance and other operating expenses, at P16.6 milyon para sa capital outlay na nakalaan sa pagbili ng ICT equipment.
Para kay Duterte, dapat ding dagdagan ang pondo para sa disaster relief operations ng OVP dahil ito ang madalas na hiling ng mga lumalapit sa kanilang tanggapan.
- Latest























