Motorcycle rider tepok sa salpok
MANILA, Philippines — Isang motorcycle rider ang nasawi nang makabanggaan ang isang Asian Utility Vehicle (AUV) sa Cainta, Rizal, Linggo ng madaling araw.
Kinilala ang biktimang nasawi na si alyas “Alfred”, 41-anyos dahil sa tinamong mga pinsala sa katawan matapos tumalsik at bumagsak sa kalye.
Sa ulat ng Cainta Municipal Police Station (MPS), naganap ang insidente, ala-1:10 ng madaling araw sa Felix Avenue, sakop ng Barangay Sto. Domingo, Cainta.
Nasa kustodiya ng pulisya ang driver ng AUV na si alyas “Jolly” na nakatakdang kasuhan ng reckless imprudence resulting in homicide.
Batay sa kuha ng CCTV na nasa opposite lane ang AUV na kumakaliwa sa direksyon ng CVS Homes 1, nang sumulpot ang motorsiklo at bumangga sa kanan bahagi ng AUV.
Sa lakas nang salpok ay tumilapon ang biktima at suot na helmet, gayundin ang pagtalsikan ng mga bahagi ng motorsiklo.
Aalamin din sa isasagawang otopsiya ang estado ng biktima kung nakainom ito dahil sa napakabilis na pagpapatakbo habang ang AUV ay katamtaman lang umano ang takbo.
- Latest



















