Duterte supporters nais patalsikin si Pangulong Marcos!

Ngayong Setyembre 21 nationwide rally
MANILA, Philippines — Kasabay ng “Trillion Peso March” laban sa korapsyon ngayong araw, nais umano ng mga tagasuporta ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na patalsikin sa puwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Dahil dito, hinikayat ni Akbayan Partylist Rep. Percival Cendaña ang mga kritiko ng gobyerno na maging mapagbantay kaugnay ng umano’y “self-serving” na pamumulitika ng mga Duterte supporters na nais samantalahin ang pagkakataon para patalsikin sa puwesto si Pangulong Ferdinand Marcos Jr., sa ikinakasa ng mga itong malawakang rally sa buong bansa ngayong araw (Setyembre 21).
Sinabi ni Cendaña na dapat mapagtanto ng taumbayan na ang nais na pagpapatalsik ng mga Duterte supporters kay Pangulong Marcos ay magbibigay benepisyo sa mga miyembro ng pamilya nito partikular na kay Vice President Sara Duterte.
Ayon kay Cendaña, nais ng mga Duterte supporters na umano’y samantalahin ang pagkakataon para ibagsak ang administrasyong Marcos.
“We need to read between the lines regarding the Duterte group’s call, which has been trying to ride our protest movement this coming Sunday (Sept 21), and with the call for President Marcos’ resignation, sino pa ang makikinabang diyan” ani Cendaña kahapon.
“Their vice president will be the president. So let us be careful of such groups whose political calls are self-serving, aside from hijacking the anger of the people that we want to express this coming Sunday,” giit ng solon.
Binigyang diin ni Cendaña na ang malawakang rally ay naglalayong tuldukan ang korapsyon sa gobyerno partikular na sa DPWH ghost flood control projects at maging ang mga substandards na proyekto matapos na kurakutin lamang ang pondo dito sa gitna na rin ng kalbaryo ng mamamayan.
“The numerous groups are clearly united in their call — because it is not only Akbayan that would come out, we also have a big coalition of groups for Sunday like Tindig Pilipinas and religious organizations — what we want is to end corruption and hold accountable people responsible for this mess, whether they are in Congress, the Senate, the executive, or even in higher positions,” punto ni Cendaña.
“But the bottom line is, our call is to end corruption,” giit nito.
Pinayuhan naman ng Department of Health (DOH) ang mga kalahok sa “Trillion Peso March” na unahin ang kanilang kalusugan at kaligtasan sa pagsabak sa malaking rally laban sa korapsyon sa bansa, ngayong araw.
Ayon sa DOH, alamin ang detalye ng pagtitipon at lagay ng panahon at magdala ng mga essentials gaya ng face mask, alcohol o hand sanitizer, pamaypay, tubig, sombrero, tuwalya, at maintenance medicines.
- Latest















