‘Nando’ magiging super typhoon, NDRRMC naka-red alert!

MANILA, Philippines — Inilagay na sa pinakamataas na alert status ng National Disaster Risk Reduction and Management Operations Center (NDRRMC) ang paghahanda laban sa bagyong Nando.
Mula sa blue alert, inilagay sa red alert ang ahensya simula alas-5 ng hapon, Setyembre 19, 2025, dahil sa matinding banta ng Severe Tropical Storm “Nando”.
Ayon sa NDRRMC, ang kahulugan ng red alert ay “Immediate Emergency Response.” Ang Blue alert naman ay “Preparation and Anticipation for slow-onset disaster”, habang white alert, kapag “Monitoring and Assessment.”
Batay sa 5:00 a.m. bulletin nitong Sept. 20, 2025 ng PAGASA, naabot ni Nando ang Severe Tropical Storm category habang kumikilos sa Philippine Sea.
Bunsod nito, pinapayuhan ng PAGASA ang publiko dahil sa bantang magiging super typhoon ito ng Lunes (Sept 22).
Kaugnay nito, pinaghahanda ng Department of Health (DOH) ang publiko sa inaasahang epekto ng bagyong Nando at sa mga lugar na lalapagan nito partikular sa extreme Northern, Central at Southern Luzon, kabilang na ang Metro Manila at ilang bahagi ng Visayas.
Nakaalerto rin ang DOH-Central Office at sa iba’t ibang rehiyon kasabay ng paalala sa publiko na ihanda nang maaga ang Emergency GO Bag sakaling mangailangang lumikas.
Payo ng DOH, kung nalubog man sa baha o na-expose sa putik, agad na magpakonsulta sa leptospirosis fast lanes ng DOH hospitals o sa pinakamalapit na health center upang ma-assess ang risk level at maibigay ang gamot na kailangan.
- Latest















