PCAB executive director, nagbitiw na sa puwesto
MANILA, Philippines — Nagbitiw na sa puwesto si Atty. Herbert Matienzo bilang executive director ng Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB).
Ito ang inihayag ni Department of Trade and Industry (DTI) Secretary Cristina Roque, nang tanggapin niya ang pagbibitiw ni Matienzo nitong Setyembre 3, 2025, dahil sa personal na dahilan.
Ang pagbibitiw ay kasunod ng mga kontrobersiyang kinakaharap ng PCAB kaugnay ng mga umano’y iregularidad sa contractor accreditation at flood control projects.
Kamakailan, isinailalim ni Roque sa direktang superbisyon ang PCAB at iba pang board ng Construction Industry Authority of the Philippines (CIAP) upang masusing imbestigahan ang mga alegasyon ng conflict of interest at abuso sa kapangyarihan.
Bago ang pagbibitiw, iniulat na binawi ng PCAB ang lisensya ng siyam na construction firms na konektado sa negosyanteng si Sarah Discaya, na sangkot umano sa mga anomalya sa flood control projects.
Nauna nang sinabi ni DPWH Sec. Vince Dizon, isasailalim sa malawakang revamp ang PCAB bilang tugon sa mga problemang lumutang sa mga proyekto ng gobyerno.
- Latest
















