Ex-CIDG chief sinuspinde ng 90-araw sa kaso ng missing sabungeros

MANILA, Philippines — Isinailalim ng National Police Commission (Napolcom) si dating Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) Chief Brig. Gen. Romeo Macapaz sa preventive suspension sa loob ng 90 araw.
Inanunsiyo ito kahapon ni Napolcom Vice Chairperson at Executive Officer Rafael Calinisan kasunod ng reklamong inihain ni Elakim Patidongan, kapatid ng whistleblower na si Julie Patidongan o alyas “Totoy”, kaugnay ng umano’y iregularidad sa paghawak sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Matatandaan na nagsampa ng kaso ang magkapatid na Patidongan sa tanggapan ng NAPOLCOM dahil sa umano’y pagkuha ng mga personal na cellphones ng mga akusado at pag-delete at pagkuha ng mga importanteng impormasyon na makakatulong sa ikakausad ng kaso ng mga nawawalang sabungero.
Batay sa naging resolusyon ng komisyon ay nakitaan ng isang mabigat na basehan ang mga paratang na ito laban kay Macapaz dahilan para siya ay hatulan ng 90-day suspension.
Sa isang text message, inihayag ni Macapaz na ginagalang niya ang naging desisyon ng komisyon at tinatanggap din niya na siya ay sasailalim sa isang preventive suspension.
Aniya, bilang bahagi rin ng proseso ng NAPOLCOM, handa niyang sagutin ang lahat ng paratang na kaniyang natatanggap mula sa Patidongan Brothers.
- Latest
















