Van inararo 2 bahay; 3 utas, 2 kritikal

MANILA, Philippines — Kapwa idineklarang dead-on-arrival sa ospital ang tatlo katao habang dalawang iba pa ang malubhang nasugatan makaraang araruhin ng isang van ang dalawang bahay sa gilid ng highway sa Barangay Abuyon, San Narciso, Quezon noong Sabado ng hapon.
Kinilala ang mga nasawi na sina Florencio, 62; Merelyn, 57, kapwa mga residente ng nasabing barangay at ang drayber ng van na si Efren dahil sa mga grabeng pinsalang tinamo sa kanilang mga ulo at katawan.
Habang ang mga nasugatan ay kinilalang sina Joey, 46, ng Batangas; at Mary Jane, 48, ng Pampanga ay ginagamot sa nasabing ospital.
Sa ulat ng San Narciso Municipal Police Station, bandang alas-4:30 ng hapon ay minamaneho ni alyas “Efren”, 45-anyos, mula Santa Lucia, Santa Ana, Pampanga, ang isang Hyundai Starex van na may apat na pasahero nang mawalan ng kontrol at bumangga sa dalawang bahay sa tabi ng kalsada sa Sitio Pantay, Barangay Abuyon.
Mabilis na naisugod sa Quezon Provincial Hospital Network sa San Narciso ang mga biktima ngunit idineklarang dead-on-arrival sina Florencio, Merelyn at Efren. Nasira rin ang mga bahay nina Charlie Abadilla Rivano, 49; at Dionisio Boc Cabalan, 38, kapwa residente ng Barangay Abuyon.
- Latest



















