5 utas, 9 sugatan sa CLLEx road crash

MANILA, Philippines — Patay ang limang katao habang siyam na iba pa ang nasugatan makaraang sumalpok ang isang van sa metal fence o bakal na bakod sa kahabaan ng Central Luzon Link Expressway (CLLEx) sa Tarlac City nitong Martes ng umaga.
Sa inisyal na report ni P/Lt. Col. Neil Rainier Mercado, Acting Chief of Police ng Tarlac City Police Station, alas-8:00 ng umaga nang mangyari ang sakuna.
Ayon kay Mercado, maikokonsiderang ‘self accident’ ang pangyayari dahilan wala naman ibang sasakyan ang sangkot sa insidente at pinaniniwalaang masyadong mabilis ang takbo ng van.
Lumilitaw sa imbestigasyon na nawalan ng kontrol sa manibela ang driver sa bahagi ng Brgy. Balingcanaway, sa nasabing lungsod.
Ang bangkay ng limang biktima ay nakahandusay sa CLLEx nang abutan ng nagrespondeng mga operatiba ng pulisya.
- Latest















